Tinanggalan na ng lisensiya ang driver na hindi huminto kahit sinita ng traffic enforcer kaya napilitan ang huli na sumampa sa hood ng sasakyan hanggang sa makarating sa bahay ng driver sa Kawit, Cavite.
Sa press briefing ngayong Martes nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, kasama si Land Transportation (LTO) chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II., sinabing “perpetually revoked” ang lisensiya ng driver na nagpakilalang abogado.
BASAHIN: Traffic enforcer, sumampa sa hood ng kotse na kaniyang sinita pero hindi huminto; ang driver, babae
“‘Pag kayo ay hindi sumunod sa batas, kayang-kayang tanggalin ng gobyerno, ng LTO, ang lisensya n’yo. Either temporarily, or in the case ng mga grabeng violators, forever o habambuhay kayong hindi makakamaneho, makakasuhan pa kayo,” ani Dizon.
“Nagyayabang pa itong (driver) na kesyo abogado siya. Kung abogado ka, mananagasa ka ba ng enforcer? Okay, since abogado ka, harapin mo itong mga parating sa iyo,” dagdag ng kalihim.
Una rito, nahuli-cam ang CCTV cameras ang traffic enforcer na si Michael Trajico na nakakapit sa umaandar na kotse ng halos 15 minuto.
Pinayuhan ni Dizon ang traffic enforcer na maghain ng kaso laban sa driver.
“Michael, nasa likod mo kami. ‘Wag ka matakot sampahan mo ng kaso ‘yan. ‘Wag ka matakot porke abogado,” sabi ni Dizon.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang driver pero sinabi ng kapatid nito na hinihintay nila ang paying legal.
Sinabi rin ni Dizon na plano nilang isapubliko ang pangalan ng mga abusadong driver lalo na ang mga nakagawa ng seryosong traffic violation. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
PNP chief Nicolas Torre, tinanggal sa puwesto
Bata, nalaglag mula sa umaandar na sasakyan sa Roxas Blvd. sa Pasay
Pasok sa gov’t, paaralan, suspendido sa NCR, at ilang lugar sa Martes, August 26, 2025

Leave a Comment