Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang isang kapitan ng barangay matapos niyang barilin at mapatay ang kaniyang kapitbahay dahil sa alitan sa videoke sa Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing naganap ang insidente noong Biyernes ng gabi sa Barangay San Jose, kung saan punong barangay ang suspek.
Nag-iinuman umano at nagbi-videoke ang suspek nang sitahin siya ng biktima, na nauwi sa kanilang pagtatalo.
Habang kinukuhanan ng video ng biktima ang pagtatalo, bigla siyang binaril ng suspek sa dibdib, at idineklarang dead on arrival sa ospital.
Nahuli sa CCTV camera ang pagtakas ng suspek matapos ang pamamaril.
Nagsampa na ng kaso laban sa kaniya ang Dasmariñas police.
Nanawagan ang asawa ng biktima sa suspek na panagutan ang ginawa at humarap sa batas.—FRJ GMA Integrated News

Leave a Comment