Nasawi ang isang 54-anyos na lalaki matapos siyang barilin ng isa pang driver na kaniyang nakagitgitan sa Dasmariñas, Cavite.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa “Unang Balita” nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ang pagdaan ng dalawang sasakyan sa Abad Santos Avenue sa Barangay Salitran III umaga ng Miyerkoles.
Parehong tumigil ang mga sasakyan bago binuksan ng driver ng pulang kotse ang bintana nito at sabay ulit silang mabagal na umandar.
Tila nagkaroon ng diskusyon ang dalawang driver. Ilang saglit lang, may tila itinutok ang driver ng pulang kotse sa driver ng puting pickup bago humarurot.
Kinilala ang driver ng puting pickup na si Mayo Junel Santos, kawani ng Meralco, na naiwan sa pickup.
Sa isa namang kuha ng isang saksi, makikitang duguan na si Santos, na pinagbabaril pala ng driver ng pulang kotse.
“May dalawang putok na magkasunod tapos ‘yung ugong ng sasakyan na humarurot. Mabilis lang,” sabi ng saksing si Carlos Tobese.
Dinala sa ospital ang biktima pero hindi na siya umabot nang buhay.
Ayon sa katrabaho ng biktima, kagagaling lang ni Santos sa kanilang opisina sa Dasmariñas at patungo sana sa Ortigas noong maganap ang pamamaril. Nagpaalam na rin si Santos sa mga guwardiya dahil magreretiro na sana siya sa katapusan ng buwan.
Ayon naman sa malapit na kaibigan ng biktima, halos kalalabas lang ni Santos ng ospital at kababalik lang sa trabaho. Wala rin siyang alam na nakakaaway ng kaibigan at wala itong bad record sa kanilang barangay.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na away-trapiko ang nakikita nilang motibo sa pamamaril.
“Ito po ay isang insidente po ng road rage po. Ayun po ay base po doon sa mga saksi po, doon sa mga bystander po, doon sa lugar ng pinangyarihan,” sabi ni Police Captain Michelle Bastawang, chief PIO ng Cavite PPO.
Nagsasagawa ng backtracking at follow-up operation ang mga awtoridad sa ikadadakip ng gunman.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa Land Transportation Office o LTO para ma-trace ang pulang kotse na ginamit sa krimen.
Kinondena ng Meralco ang pamamaril kay Santos, na higit dalawang dekada na sa serbisyo.
“Mariin naming kinokondena ang naganap na insidente ng umano’y road rage sa Salitran, Dasmariñas, Cavite na nagresulta ng pagkasawi ng isang empleyado ng Meralco,” sabi sa bahagi ng pahayag ng Meralco.
“Kasalukuyan na rin kaming nakikipag-ugnayan para ibigay ang mga kinakailangang tulong at suporta sa kaniyang pamilya sa gitna ng trahediyang ito. Nakikiisa at sumusuporta ang Meralco sa mga awtoridad para agad na mahuli at mapanagot ang salarin,” sabi pa Meralco. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News
Pulis na rumaraket na lider ng ‘Gapos Gang’ kapag day-off, naaresto
Lalaking ilang araw nang nawawala, nakitang nakabaon sa lupa sa Cebu City
Hunter na napagkamalan umano ng kasama na baboy-damo, patay matapos mabaril


Leave a Comment